Sabado, Pebrero 26, 2011

Ang Babaeng Palakaibigan




Ang Talambuhay ni Camille “Camz” B. Chozas, IV- Science

Noong ako'y sanggol
Oktubre 7, 1994, ipinanganak ako bilang si Camille Bienvenida Chozas. Inaruga, minahal at pinalaking mabuti ng aking mga magulang na sina Arnold Custodio Chozas at Amor Bienvenida Chozas. Ako ay tumatayo bilang pangalawang panganay sa aming apat na babaeng magkakapatid. Namuhay ako sa piling ng aking butihing pamilya sa marangal na pagtatrabaho ng aking ama bilang isang jeepney driver na tumatayong haligi ng aming tahanan at ang aking ina bilang ilaw ng tahanan.
Ang Aking Pamilya
Nagsimula ang aking makabuluhang kwento ng buhay ng matamo ko ang pagiging bata, mga karanasang nakakatuwa, nakakaaliw at di malaman kung kinakailangang kayamutan o kainisan.
Bata pa nga siguro ako noon, lubos kong kinatatakutan ang mga aso at tuta. Masaya sana ako bababa sa hagdanan ng bahay ng aming Lola upang bumili ng matatamis na kendi nang mayroong humarang na tuta sa aking bababaan, napahakbang ako sa takot ng dalawang baiting sa hagdan pataas dahil sa tahol ng tuta at sa malas ay napasala ang aking tungtong. Dire- diretso akong nahulog pababa sa hagdan at sanhi nito ang pagkakaroon ko ng hiwa sa aking kanang tainga. Mula noon, naging maingat na ako sa mga aso upang di  na mangyaring muli iyon.
Ako, si Niña, Teteth at ang aking Mama
          Sinikap akong mapag- aral ng aking Mama sa Kindergarten at Day Care upang paunti- unti ay ay matutunan kong magbilang, bumasa at sumulat. Natatandaan ko pa noon, halos ilang beses ko bago masaulo ang spelling ng “Daddy”, kapag hindi Dadi,Doddy  o kaya naman ay Dodi. Kahit hirap man ako sa pagi- ispelling, natuto rin ako at nakagraduate ng may karangalan. First honor ako at si Mama ang nagsabit ng medalya sa akin.  Sa katunayan, mahirap man para sa akin ang isulat ang salitang iyon, mahilig at marunong din akong magdrawing. Naipanlalaban ako noon sa mga paligsahan ng pagguhit sa mura kong edad na apat hanggang limang taon. Hilig na hilig ko noon ang pagguhit ng mga larawan. Siguro noon, hindi pa uso ang mga drawing book kaya iginawa ako ni Mama ng improvised na drawing book. Lalo kong naipag- ibayo ang aking talento hanggang sa ako’y tumuntong sa unang antas ng elementarya ngunit hindi na muli akong sumali sa mga paligsahan.
Ang aking Ate at Ako
          Grade 1, Seksyon B, pangalawa sa pinakamataas na seksyon sa Paaralang Central sa Lungsod ng San Pablo. Isang kakatuwang pangyayari nang ako’y maospital. Pauwi ako noon sa bahay ng aking Lola upang mananghalian. Magkakasabay kaming kumain ng aking Lola at Ate. Nakakita ako ng pritong manok sa taguan ng ulam, kinuha ko ito at hinugasan dahil nilalanggam. Dahil sa sobra kong paborito ang manok ay sarap na sarap ako sa pagkain nito ngunit hindi ko alam na panis nap ala ito. Naramdaman ko nalang ang pananakit ng aking tiyan at pagsusuka habang ako’y kumukuha ng pagsusulit. Napauwi ako ng wala sa oras at agad akong isiniguod sa ospital sa sobrang pag- aalala sa nangyari sa akin. Iyon ang pinakauna at isa sa dalawang beses na ako ay naconfine.
          Nakakatuwa isipin na sa mura kong edad, naipahamak ko ang aking sarili dahil lamang sa di ako marunong umalam kung ang pagkain ay panis o hindi.
          Mahirap din pala na mapasama sa mga taong may matataas na lebel ng pag- iisip, yun bang mga matatalino. Simula noong nasa ikalawa akong baitang. Natuto akong gumising ng madaling araw upang mag- aral dahil sa aking paniniwala na madaling makakapagsaulo ng mga aralin kapag fresh ang utak at pag- iisip natin.
          Isa namang kagulat- gulat ang at nakalulungkot ang gumibal sa aming pamiya ng masunog ang bahay ng aking Lolo’t Lola, kung saan ako’y namamalagi. Nobyembre 24, 2004, nasa paaralan ako ng aking mabalitaan at makitang nasusunog na pala ang mga bahay, damay pati ang bahay namin pati na rin ang ilang mga pag- aari. Buti nalang may mga taong handang tumulong at bukas- loob na nagkaloob sa amin ng aming mga pangangailangan. Naranasan ko ang matulog kasama ang ibang tao sa loob ng silid-aralan ng paaralang malapit sa mga nasunog na bahay at napagtanto kong napakapalad pa rin namin dahil walang nasaktan sa naturang aksidente.
Graduation Day
          Hindi naging hadlang ang pangyayaring ito. Lumipas ang ilang taon, lalo kong pinagsikapan ang aking pag- aaral at mabuhay ng marangal. Pinilit kong makaahon at sa anim na taon kong pag- aaral sa elementarya, isa ako sa mga naging Achiever ng aming paaralan sa aking pagtatapos at si Mama ang nagsabit ng medalya sa akin sa entablado.
          Matapos ang anim na taong paggugol sa elementaraya, isang panibagong buhay naman ang aking pinasok, buhay ng isang estudyante sa pampublikong paaralan sa hayskul.
Ang Blue Team
          Unang araw ng pasukan, hanapan ng bagong kakilala at kaibigang makakasama. Napabilang ako sa pinakamataas na seksyon ng unang antas ng sekondarya sa kagustuhan na rin ng aking Mama. Hindi man naging madali para sa akin, di nawala ang aking  pagsisikap at naging seryoso ako sa pag- aaral upang taun- taon ay masabitan ako ni Mama ng mga medalya. Naging mahirap sa akin ang makihalubilo kahit tatatlumpu’t apat kami sa aming seksyon. Doon ko nakilala si Claire, isa sa naging matalik kong kaibigan. Itinuring kong nag- iisang best friend sa hayskul nang mawalay ako sa aking best friend noong elementary na si Charina. Masaya kaming dalawang nagkukuwentuhan, umuuwi ng gabi kapag magkokompyuter sa paggawa ng mga projects at assignments. Nalungkot ako noon ng di kami nagkaintindihang dalawa. Mayroong di napagkasunduan kaya matgal- tagal ding di nagpansinan at nag-imikan. Iba na talaga pag masyadong sineryoso ang mga bagay- bagay.
          Siyempre di din natin maiiwasan ang magkaroon ng mga hinahangaan sa iskul. Naku, si PJ na sa paningin ko ay sobrang guwapo ay naging crush ko, yun nga lang di ko na siya naging kaklase noong third year.
          Nang magsecond year ako, napalapit ako kina Mariz, Claire, Bernadette, Maan at Reginae. Kami ang mga miyembro ng BLUE TEAM, sama- samang nagtutulungan at masayang lumalabas.
Sina Althea, Jorgina at Ako
          Hinding hindi ko makaklimutang ang naging kaklase kong si Jorgina. Ayaw man ng iba sa kanya dahil sa iba ang kanyang lahi ay hindi ito naging hadlang upang kami’y maging magkaibigan. Sa kanya ko lahat- lahat nasasabi ng aking mga problema. Ibinabahagi niya rin sa akin amg mga problema niya sa kanyang pamilya. Nang lumipat siya ng iskul na papasukan, na- realize ko na nakakamiss din pala siya.
          Sa apat na taon kong pakikisama sa aking mga kaklase, wala akong masyadong naging malapit na kaibigang lalaki kundi tanging si Genard. Pebrero 14, 2009, masaya kaming nagdiwang ng isang Valentines party. Naging malapit ako kay WGV sapagkat kami ang naging magkapareha ng araw na iyon. Kakatuwa mang isipin ngunit siya pa rin ang naging first dance ko sa JS Prom namin noong 2010.
          Masasabi kong ako ay ang taong palakaibigan, mapagmahal, masunurin sa mga magulang na kung minsan ay tamad, masayahin at maraming kalokohan ngunit minsan ay sobra ang katarayan. Sa kabila ng lahat ng ito, isa akong napakasipag na mag- aaral. Sa masayang bahagi ng buhay ko, nakatago ang kalungkutang nais kong maibsan. Lumaki akong nakahiwalay sa aking mga magulang. Lumaking iginugol ang lahat ng oras sa pag- aaral sa pagsusumikap na maiahon sa kahirapan ang aking pamilya na naging sanhi ng aking kapansanan sa likod.
          Sabi ng doktor nang ako’y magpakonsulta, maaari raw na namana ko ito o kaya naman daw ay dahil sa aking sariling kapabayaan. Hindi na raw muling maibabalik sa dati ngunit maiiwasan ang paglaki ng kanang parte nito kung gagawin ko ang mga wasto at nararapat gawin. Ipinayo sa akin ng aking tiyahin na masmakakabuti kung tumigil muna ako sa pag- aaral ngunit ilang buwan na lamang noon ang natitira at malapit na akong magtapos ng hayskul. Hindi ako nawalan ng pag- asa at pinayagan nila akong maipagpatuloy ang aking pag- aaral. Naniniwala naman ako na hindi ako pababayaan ng Panginoon sa lahat ng oras at umaasang magkakaroon ng himala. Wala ng masamang umasa di ba?
Ang aking mga kaklase simula ng First Year
          Pinagsumikapan kong mag- ehersisiyo, payo ng dokotr. Uminom ng mga bitamina araw- araw at kumain ng mga wastong pagkain. Bago ako pumasok sa paaralan tuwing umaga ay inugali ko na rin ang magbaras dahil ito lamang ang mga paraang makakapagpalakas ng aking kalooban, kalusugan, at pangangatawan.
          Ngayong Fourth year, nakakilala ako ng ng mas maraming kaibigan bukod sa aikng mga kaklase. Naisip kong di lang pala dapat ako dumipende sa aking sarili kundi pati na rin sa ibang tao.
          Hindi ko pinakamakakalimutan ang buhay ko sa S.Y. 2010- 2011. Ito ang panahong naging president ako n gaming klase upang mamuno sa mga di ko kasasawaang mga kakalse sa simula’t simula na kami’y naging magkakakilala, ang pagsasamahang nagpakilala sa bawat isa, ang walang sawang pag- iikot sa oval habang nagkukuwentuhan, ang paghahatid sa akin ng mga mahal kong kakalse sa gate na aking inuuwian at ang pagkakaibigang nagdadamayan na walang ibang makakapantay.
Graduation Picture
          Lahat ng ito ay magsisilbing alaala na mula sa aking pagkabata ay dadalhin ko hanggang sa aking pagtanda. Ito ang mga ala- ala at pangyayaring di mabubura sa aking isipan kailanman sa pakikihalubilo ko sa mga taong naging mahahalaga, naging parte at bumuo ng paunti- unti sa mga kabanata ng aking buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento